PACC, iniimbestigahan na ang sinasabing kutsabahan ng ilang tauhan ng Bureau of Customs at ilang malalaking kumpanya ng bakal

Dahil sa bilyong-bilyong pisong nawawala sa gobyerno, iniimbestigahan na ng Presidential Anti-Corruption Commission o PACC ang umano’y sabwatan sa pagitan ng ilang tiwaling opisyal ng Bureau of Customs at ilang malalaking kumpanya ng bakal sa bansa.

Ayon kay PACC Chair Dante Jimenez, walang pakundangang ninanakawan ng mga ito ang gobyerno dahil sa nakakapasok sa bansa ang mga inaangkat na mga bakal ng mga higanteng steel company nang hindi nagbabayad ng kaukulang buwis.

Ayon pa kay Jimenez, dahil sa mga tiwaling opisyal ng BOC, naitatago o underdeclared ang mga nasabing mga bakal na siyang dahilan kung bakit malaki ang nawawala sa kaban ng bayan.


Nakikipag ugnayan na ang PACC kay Department of Trade and Industry Ramon Lopez dahil ang DTI ang nangangasiwa sa kalakalan ng bakal sa bansa.

Bukod pa kasi sa nawawalang buwis, may pangamba na posibleng hindi pasok sa Philippine Standard ang kalidad ng mga bakal na ipinupuslit ng mga tiwaling tauhan ng BOC at ng ilang malalaking kompanya ng bakal sa bansa.

Magugunita na sa Senate Hearing kamakailan, naunang isinawalat ni Senador Panfilo Lacson na mahigit 32 Bilyong piso ang nawawala sa gobyerno dahil sa under declaration ng mga produkto na dumadaan sa BOC.

Malaking bahagi nito ay ang inaangkat na mga bakal ng ilang malalaking steel company.

Facebook Comments