Maglulunsad na rin ang Presidential Anti-Corruption Commission o PACC ng imbestigasyon kaugnay sa nabulgar na “Pastillas Modus Operandi” na kinasasangkutan ng ilang mga tauhan ng Bureau of Immigration o BI.
Ayon kay Commissioner Greco Belgica, nagpapasalamat ang PACC kay Senador Risa Hontiveros dahil sa pagsisiwalat ng naturang raket ng ilang taga-BI sa airport na nagbibigay umano ng VIP treatment sa mga Chinese kapalit ng P10,000 na service fee.
Sinabi ni Belgica na sana ay mahimay pa sa Senado ang naturang exposé at maituro kung sinu-sino ang mga responsable at papaano ang sistemang ginagawa para mabago na.
Ang PACC naman ay magkakaroon ng sariling pagsisiyasat upang maberipika ang mga impormasyon at ebidensyang iprinisenta ni Senador Hontiveros.
Kapag natapos ito ng PACC, agad aniyang ibibigay ang report at rekumendasyon sa Office of the President para sa naaayon na pagpapasya.
Ayon kay Belgica, ang PACC ay marami nang naipatanggal sa BI dahil sa mga raket nila at marami pa silang tinitingnang iba.
Magandang bagay aniya na naririyan din ang Senado na katuwang ng administrasyon upang malabanan at matuldukan ang mga modus ng mga pasaway sa pamahalaan.