PACC, nalutas na ang higit 13,000 kaso ng katiwalian at iba pang reklamo

Ipinagmalaki ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na mahigit sa 13, 000 kaso ng katiwalian at iba pang reklamo na natanggap ng ahensiya ang nalutas mula nang itatag ito noong 2018.

Ayon kay PACC Chairman Greco Belgica, 4,135 sa mga kasong ito ay pawang mga reklamo ng korapsyon na natanggap nila mula March 2018 hanggang May 2021.

157 dito ang naisampa na sa tanggapan ng Ombudsman; 89 ang isinampa sa Department of Justice-Task Force against Corruption; 3,047 ang inendorso sa kaukulang mga ahensya; 112 ang natapos na sa fact-finding investigation at lifestyle check; 35 ang concluded at 299 ang letters of compliance.


Mabilis din naaksyunan ang nasa 9,041 na kaso na idinulog sa PACC na may kaugnayan sa ipinatupad na sa Social Amelioration Program sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Belgica, 45 na matataas na opisyal na pawang Undersecretary, Assistant Secretary at Director ang nasampahan na ng kaso sa Ombudsman.

Bukod dito, tatlong tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) Regional Office Investigation Division sa Makati City na sina Gary Atanacio, Edgardo Javier at Arturo Boniol, Jr., ang hinatulang guilty ng Ombudsman at pinatawan ng parusang dismissal from the service, cancellation of eligibility, perpetual disqualification from holding public office at pagbawi ng kanilang mga retirement benefits.

Nabatid na ang tatlo ay nasakote sa entrapment operation ng PACC at ng NBI Special Task Force dahil sa P600,000 extortion sa isang negosyante.

Facebook Comments