Nagbabala ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa mga LGUs at departamento ng pamahalaan dahil nakatutok sila ngayon sa ginagawang pagtugon ng mga ito laban sa COVID-19.
Ito ang sinabi ni PACC Commissioner Greco Belica, kasunod na rin ng anunsyo ng Inter-Agency Task Force (IATF) na opisyal na nilang ipinabibilang sa task force ang PACC.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Commissioner Belica na nag-issue na sila ng resolusyon sa kanilang mga tauhan at deputize agents upang tututukan ang palakad ng mga tanggapan ng pamahalaan, at agad na ipagbigay alam sa kanila sakali man na mayroong anumalya.
Ang kanilang Facebook at Messenger accounts, aniya, ay 24 oras na bukas sa mga sumbong na direkta mismong nagmumula sa publiko.
Sinabi ni Belgica na gagawa sila ng ulat at rekomendasyon para kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa mga pasaway na ahensya at direkta rin silang nakikipag-ugnayan sa mga department heads.
Pakiusap ni Belgica sa lahat ng kawani ng gobyerno, partikular ‘yong mga mismong nasa distribusyon ng ayuda ng pamahalaan sa publiko, ibigay ng tama ang tulong ng pamahalaan, huwag patagalin at huwag rin itong bawasan.
Sa oras kasi, aniya, na gawin nila ang mga paglabag na ito sa gitna ng umiiral na State of Calamity sa buong bansa, tiniyak nito na huhulihin at kakasuhan nila ang mga mapagsamantala.