Manila, Philippines – Walang makapipigil sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) para ipursige nito ang imbestigasyon sa kontrobersiya na Good Conduct Time Allowance o GCTA na hinihinalang nagiging gatasan ng ilang mga tiwaling taga Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ang binigyang diin ni PACC Commissioner Greco Belgica kasunod ng pahayag ni Ombudsman Samuel Martirez na mas makabubuting hayaan na lang munang sila ang magsagawa ng imbestigasyon sa isyu para maiwasan ang posibleng conflicting findings.
Pero ayon kay Belgica, mismong kay Pangulong Rodrigo Duterte galing ang kautusan na sila ay kumilos at magsagawa ng pagsisiyasat kaya at walang dahilan para itigil ang sinisimulan na nilang pag-iimbestiga sa GCTA.
Hindi rin aniya maaaring kuwestiyonin ang kanilang hurisdiksyon sa pag-iimbestiga dahil rekta silang mananagot sa presidente at hindi sa Ombudsman kung hindi sila tatalima sa direktiba ng Pangulo.