PACC, umaasang magkakaroon na ng pagbabago sa BuCor

Manila, Philippines – Tiwala ang Presidential Anti-Corruption Commission o PACC sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte iupo bilang bagong director general ng Bureau of Corrections (BuCor) si Gerald Quitaleg Bantag.

Ayon kay PACC commissioner Greco Belgica, umaasa sila na magiging maayos ang pamumuno ni Bantag sa BuCor matapos ang ilang kontrobersiya sa ilalim ng pamamahala ng nasibak na si Nicanor Faeldon.

Kabilang na rito ang isyu o raket ng Good Conduct Time Allowance o GCTA for Sale at Hospital Pass for Sale sa New Bilibid Prison at marami pang iba.


Sinabi naman ni Belgica na magkaroon sana ng mga programa para sa “reformation and moral transformation” sa BuCor kung saan nais niyang patutukan kay Bantag ang mga sindikato na matagal na nanamantala sa loob ng Bilibid at nanunuhol ng sangkaterbang pera sa mga opisyal at mga tauhan ng BuCor.

Nararapat na din daw palitan ang lahat ng prison guards dahil ang mga ito umano ang nagpapapasok ng kontrabando sa Bilibid tulad ng mga cellphone, droga, gamit, baril at mga babae.

Sa huli, iginiit ni Belgica na kailangan pa ring papanagutin ang mga opisyal ng sabit sa isyu ng GCTA.

Facebook Comments