Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang Package 2 ng TRAIN Law o ang Corporate Income Tax and Incentive Reform (CITIRA) na layong bawasan ang corporate income tax rate at makalikom ng dagdag na kita sa pamahalaan.
Sa botong 170 Yes, 8 No at 6 Abstain ay naaprubahan na rin ang House Bill 4157 na inaamyendahan ang ilang probisyon ng National Internal Revenue Code.
Tinitiyak ng may-akda ng panukala na si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na pipiliing mabuti ang mga negosyo na mabibigyan ng insentibo.
Sa ilalim ng CITIRA, ibababa sa 20% ang corporate income tax ng mga kumpanya mula sa kasalukuyang 30%.
Sisimulan ang pagbabawas sa corporate income tax na 2% simula January 2021 hanggang sa tuluyang umabot sa 20% ang pagbaba sa corporate income tax sa taong 2029.
Ipapatupad din ang rationalization ng mga fiscal incentives na ibinibigay sa mga negosyo na nais gawing performance-based, targeted, time-bound at transparent.
Sa inaprubahang panukala ang mga negosyo sa Metro Manila ay magkakaroon ng 3 taong income tax holiday (ITH) at karagdagang 2 taong incentives.
Ang mga negosyo naman na nasa labas ng Metro Manila ay magkakaroon ng 4 na taong ITH at karagdagang 3 taong tax exemptions.
Ang mga negosyo naman sa mga rehiyon na malayo na sa Metro Manila ay bibigyan ng 6 na taong ITH at apat na karagdagang tax perks.
Naniniwala si Salceda na bukod sa benepisyo sa mga negosyo ay makakatulong ito para makapanghikayat ng mga mamumuhunan na magiging daan din para sa dagdag na trabaho sa mga Pilipino.