Isinusulong ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paggamit ng mga alternatibo o pamalit sa mga nakasanayang plastic.
Ito ay kasabay ng pagkukunsidera ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipagbawal ang paggamit ng plastic sa buong bansa.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda – dapat hikayatin ang publiko na gumamit ng mga biodegradable o yung mga mabilis na nabubulok na packaging material.
Halimbawa na aniya ang mga gawa o yari sa cassava starch.
Pero aminado si Antiporda na triple ang presyo nito kumpara sa plastic.
Iginiit din ni Antiporda na hindi ang mismong plastic ang puno’t dulo ng problema kundi ang mga ‘plastic’ na tao.
Nakikipag-coordinate na ang DENR sa Department of Agriculture (DA) upang maitalag ang mga alternatibong solusyon.