Pacquiao nagboluntaryo turuan si Bato sa pagiging Senador

NAGBOLUNTARYO si Sen. Manny Pacquiao na ibahagi ang kanyang nalalaman ukol sa pagiging Senador kay Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, na pumapanlima ngayon sa COMELEC Partial and Official Count Senatorial Race.

Sa kauna-unahang press conference ng PDP-Laban matapos ang eleksyon dinepensahan ni Pacquiao si Bato sa mga kritiko nito. Matatandaan na bago mag-senador ay naupo muna sa Mababang Kapulungan si Pacquiao.

“Hindi naman sinabi natin walang alam si Bato. May alam siya pero ang ibig siguro niyang sabihin yung proseso ng Senado, yung rules ng Senate,” ani Pacquiao.


“Kung mag-ask sila about sa alam ko sa proseso sa senado, kung ano ang alam kong mai-share ko sa kanila. July pa naman sila mag-start, pwede pa silang mag-aral ng isang linggo, dalawang linggo,” dagdag pa nito.

Kamakailan lang, buong tapang na sinabi ni Dela Rosa na nangangailangan siya ng pagsasanay kung paano gumawa ng batas na siyang pinakatrabaho niya sa oras na maupo siya bilang senador.

“Meron bang seminar diyan o ano bang training diyan para matutunan ko ‘yung paano gawin ‘yung batas. Ano ba ang mga trabaho namin diyan sa Senado? Kung merong ganun, I will take that opportunity para matuto ako,” sabi ni Bato sa isang TV interview.

Inirekomenda ni Pacquiao sa dating police chief na maaari siyang sumailalim ng pagsasanay ukol sa paggawa ng batas sa Development Academy of the Philippines, kung saan din siya nag-aral.

Pinuri rin ng Senador at Pambansang Kamao ang pagiging sinsero ni Dela Rosa at kaalaman sa mga problema sa lipunan.

Bago sumabak sa pulitika, naupo si Dela Rosa bilang opisyal ng pulisya noong mayor pa lamang ang Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao. Nang maupo ang huli bilang Pangulo, itinalaga si Dela Rosa bilang Philippine National Police Chief at inilipat bilang pinuno ng Bureau of Correction sa Bilibid sa Muntinlupa.

Facebook Comments