Cauayan City, Isabela- Puspusan na ang matinding pagsasanay ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa General Santos City laban kay Lucas Matthysse ng Argentina para sa Welterweight Division nitong darating na ika-labinglima ng Hulyo sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Aquiles Zonio, ang Media Relation Officer ni Pambansang Kamao at Senador Manny Pacquiao sa RMN Cauayan kung saan nakatakda nang lumipad ang kampo ni Pacquiao nitong ika-siyam ng Hulyo patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Ayon kay ginoong Zonio, nasa sampung rounds pa lamang umano ang sinasanay ng Pambansang kamao at nakatakdang bubuuin na sa susunod na linggo ang 12 rounds para sa kanyang puspusang training.
Inihayag rin ni ginoong Zonio na meron umanong knock-out power ang Argentinian fighter at mas malapad ang katawan kumpara sa katawan ni senador Pacquiao subalit mas lamang pa rin umano ang estilo ng ating Pambansang kamao.
Maganda umano ang magaganap na labanan dahil desidido umano ang Pambansang kamao na makuha ang World Boxing Association (WBA) Welterweight belt kay Matthysse.
Naniniwala rin si ginoong Zonio na hindi tatagal sa 12 rounds ang pagtutos ng dalawang fighter at inaasahang nasa dalawang daan na mamamahayag ang dadalo para sa gaganaping World Boxing Association (WBA) Welterweight Championship belt.