Pacquiao, sang-ayon kay Sotto na ‘wag idamay si Hesus sa usaping death penalty

Image via Facebook / Manny Pacquiao

Sumang-ayon si Senador Manny Pacquiao sa pahayag ni Senate President Vicente Sotto III na huwag idamay si Hesukristo sa usapin ng panunumbalik ng parusang kamatayan sa bansa.

“Ibahin natin ‘yung topic o usapin pagdating sa death penalty na hindi ma-drag ‘yung pangalan ng ating Panginoong Hesukristo,” ani Pacquiao sa mga reporter sa kanyang victory party na inorganisa ng PDP-Laban, Miyerkules.

Nauna nang sinabi ni Sotto na dapat nang tigilan ang paggamit kay Hesus sa usaping death penalty matapos ang debate ni Pacquiao at Senate Minority Leader Franklin Drilon sa Senado, Martes.


Sa privilege speech ni Pacquiao, gumamit siya ng ilang Bible verse upang bigyang-diin ang pagsuporta niya sa panukalang ibalik ang death penalty.

Sumagot si Drilon na biktima ng “wrongful execution” si Hesukristo, na kinontra naman ni Pacquiao na nagsabing isinakripisyo ni Hesus ang kanyang buhay para sa mga tao.

Dagdag ni Drilon, ang mga hukom ay tao lamang din na maaaring magkamali o maghatol ng desisyon na buhay ng tao ang kapalit.

Naghain si Pacquiao ng panukalang magpapataw ng parusang kamatayan na may multa mula P1 milyon to P10 milyon sa mga mahuhuling nagbebenta at gumagawa ng iligal na droga.

“Magkakaroon talaga ‘yan ng mahabang discussion as I’ve said sa aking privilege speech na mahabang discussion para mapabuti pa ‘yung pagpapataw ng parusang kamatayan at ibig sabihin ko naman hindi ‘yung mga users, kungdi ‘yung mga drug lords na nahuhulihan ng daan-daang kilo so ‘yun mga–kasi kung wala sila, ‘di sila gumagawa ng shabu, wala sigurong gagamit,” paliwanag ng senador.

Facebook Comments