Ipinagmalaki ng Philippine Air Force (PAF) ang kanilang kauna-unahang babaeng fighter pilot na si 1Lt. Jul Laiza Mae Camposano-Beran ng 5th Fighter Wing, Basa Air Base, sa Floridablanca, Pampanga.
Ayon kay PAF Spokesperson Col. Maynard Mariano, si Lt. Camposano-Beran ay pormal na binigyan ng certification bilang AS-211 combat mission ready pilot at wingman, kahapon.
Si 1Lt. Camposano-Beran, na tubong Tulunan, Cotabato ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Sinaglahi Class of 2015.
Siya ang pang-limang babae sa kasaysayan ng akademya na naka-tanggap ng Athletic Saber Award.
Nagtapos siya ng Military Pilot Training sa Philippine Air Force Flying School noong 2017.
Sinabi ni Col. Mariano na saludo ang Philippine Air Force sa lahat ng kababaihan bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa lipunan sa pagdiriwang ng Women’s Month ngayong buwan ng Marso.