Pag-a-adjust ng school hours ngayong summer, ipinakokonsidera ng Senado sa mga paaralan

Ipinakokonsidera ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa Department of Education (DepEd) ang pag-a-adjust ng school hours sa mga activity ng mga estudyante lalo na ngayong summer season.

Ang rekomendasyon ni Villanueva ay kasunod na rin ng napaulat na pagkakaospital ng higit 100 estudyante sa Cabuyao, Laguna matapos himatayin dahil sa sobrang init ng panahon sa isinagawang fire drill ng isang paaralan.

Tinukoy ni Villanueva na batay sa Republic Act 11480, may probisyon sa batas na maaaring i-adjust ng pangulo ang school calendar depende sa magiging rekomendasyon ng kalihim ng DepEd.


Hiling ni Villanueva na kung magkakaroon man ng adjustment sa school hours ay dapat na isama ng DepEd sa rekomendasyon ang panahon ng tag-init.

Iminungkahi ng senador na gawing bahagi ng protocol sa mga paaralan na tuwing may outdoor activity o sports activity ang mga estudyante ay iche-check muna ang lagay ng panahon sa araw na iyon at titiyaking hindi sobrang mainit sa labas.

Hindi dapat balewalain ang tindi ng init ng panahon ngayon dahil iba ito sa init ng panahon noon.

Dagdag pa ni Villanueva, hindi dapat mapahamak ang mga estudyante sa kanilang mga school activity at palaging isaalang-alang ng mga paaralan na uunahin ang kapakanan at proteksyon ng mga mag-aaral.

Facebook Comments