Pag-aalis ng probation sa kaso ng ‘reckless driving’, ipinasasabatas na ng isang senador

Hiniling ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang pagsasabatas sa panukalang gawing ‘non-probational offense’ ang reckless driving.

Kasunod na rin ito ng pagkabahala ng senador sa tumataas na bilang ng mga namamatay sa aksidente sa kalsada dahil sa ‘recklessness’ o hindi pag-iingat sa pagmamaneho.

Sa isinusulong na Senate Bill 1016 ni Pimentel, nakasaad na kapag ang pagkasawi ay dulot ng kawalang pag-iingat at kapabayaan, ito man ay reckless o simple, ang akusado ay hindi papayagang maging eligible sa probation.


Hinihimok ni Pimentel ang mga kasamahang senador na magpasa ng batas para sa mas mahigpit na parusa laban sa reckless drivers.

Tinukoy ng mambabatas ang isang insidente noong May 5 kung saan isang apat na taong batang lalaki ang nasawi at isa ang nasa kritikal ang kondisyon matapos na sagasaan ng isang bus at isang SUV sa harap ng paaralan sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Aniya, ilan lamang ito sa daan-daang kaso ng road accidents na naririnig at nakikita araw-araw.

Tanong pa ng senador kung ilan pang mga inosenteng kabataan ang kailangang mapahamak sa mga nakamamatay na road accidents bago kumilos at gawing ligtas ang mga kalsada para sa lahat ng mga Pilipino.

Naniniwala si Pimentel na kapag naging ganap na batas ang panukala ay makakatulong ito para mabawasan ang mga aksidente sa lansangan dahil sa reckless driving.

Facebook Comments