Manila, Philippines – Payag na ang National Food Authority Council na mag-angkat ang gobyerno ng bigas mula sa mga pribadong kompanya.
Ito ay sa gitna na rin ng manipis na buffer stock o reserbang bigas ng NFA.
Ibig sabihin nito ayon kay Cabinet Secretary at NFAC Chairman Jun Evasco – ang pinal na desisyon ng inter-agency national Food Authority Council ay sa mga pribadong kompanya kukuha ng bigas ang gobyerno.
Una na itong kinontra ng NFA at Dept. of Agriculture dahil ang gusto nila ay government-to-government ang gawing sistema ng pagbili ng bigas.
Matatandaang naging ugat ng tensyon sa pagitan nina D-A Sec. Manny Piñol; NFA Administrator Jayson Aquino at Evasco ang isyu kung anong proseso ang susundin sa pag-aangkat ng bigas.
Sa katunayan, nitong Abril ay sinibak pa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puwesto ang tauhan ni Evasco na si dating D-A Usec. Halmen Valdez dahil kinuwestyon ng pangulo kung bakit pinayagan noon ni Valdez ang importasyon ng bigas.
Nilinaw naman ni Evasco na hindi dahil mag-aangkat na ng bigas ay hindi na bibilhin ang bigas ng mga pilipinong magsasaka.
Nilinaw din ng NFAC na walang kakulangan sa suplay ng bigas.
DZXL558