Ipinapasiyasat ng Bayan Muna Partylist sa Kamara ang importasyon ng libo-libong metrikong toneladang asukal.
Inaatasan sa House Resolution 2495 ang House Committee on Agriculture and Food na silipin “in aid of legislation” ang importasyon ng 200,000 metric tons ng asukal gayong kasagsagan naman ng pagaani ng asukal sa bansa.
Nakasaad sa resolusyon na nitong Pebrero 8 ay inaprubahan ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ng Department of Agriculture (DA) ang isang kautusan na pumapayag sa importasyon ng libo-libong metrikong toneladang refined sugar para tugunan ang kakulangan sa suplay ng asukal sa bansa matapos salantain ng Bagyong Odette ang mga sugar producing region.
Gayunman, bago ang nasabing kautusan ay naglabas ang SRA ng report na tumaas ng 42% ang produksyon ng refined sugar sa bansa o katumbas ng 353,779 MT kumpara sa 249,515 MT sa nakalipas na taon.
Naitala rin ng SRA ang 2.3% na pagtaas sa suplay ng raw sugar sa susunod na anim na buwan.
Dahil dito, nababahala ang mga local sugar producer sa Negros Occidental dahil sa “ill-timed” at “ill-planned” na pag-aangkat ng asukal sa gitna ng harvest season na ikakalugi ng husto ng mga sugar producer.
Ang Negros Occidental ang top sugarcane producing province sa Pilipinas kung saan dito nagmumula ang 60% ng suplay ng asukal sa bansa.