Wanted sa kasong rape, arestado

Libacao, Aklan — Arestado ng mga otoridad ang isang lalaking wanted sa kasong rape at sexual assault kahapon ng hapon sa Brgy. Guadalupe, Libacao, Aklan. Ang akusado ay isang 37-anyos at residente ng Julita sa nasabing bayan. Base sa report ng Libacao PNP na naaresto ang akusado habang nagpapatrolya sila kasama ang mga taga 1st Aklan Provincial Mobile Force Company papuntang Alfonso 12, Libacao at pagdating sa bahagi ng Barangay Julita ay pinara sila ng isang residente at nagsumbong na nakita niya ang akusado sakay ng isang mini dump truck. Agad nilang hinabol ito at naaresto ang akusado na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Libacao PNP. Ang akusado ay merong warrant of arrest na ibinaba ni Presiding Judge Bienvenido P. Barrios Jr., ng 6th Judicial Region, RTC6, Br. 3, Kalibo, Aklan na Criminal Case No.16038 sa kasong Rape at Criminal Case No. 16037 para sa kasong Sexual Assault na may petsang Pebrero 18, 2022. Walang piyansa na itinakda ang korte para sa kasong Rape habang Php 200,000.00 pesos naman ang itinakdang piyansa sa kasong Sexual Assault. Nakatakda namang iturn-over sa korte ang nasabing akusado.
Facebook Comments