Pag-aaral hinggil sa paggamit ng Virgin Coconut Oil (VCO) bilang lunas sa probable at suspected case ng COVID-19 patient, natapos na ayon sa DOST

Natapos na ang ginawang pag-aaral hinggil sa paggamit ng Virgin Coconut Oil (VCO) bilang lunas sa probable at suspected case ng COVID-19 patient sa Sta. Rosa Community Hospital sa Laguna, ayon sa Department of Science and Technology (DOST).

Sa pahayag ni Science and Technology Secretary Fortunato de la Peña, nasa 57 na pasyente ang sumalang sa trial at lahat daw ng ito ay bumuti ang kalagayan.

Sa ngayon ay ginagawa na ang statistical analysis hinggil dito at inaasahan na sa susunod na linggo ay makakakuha na sila ng resulta.


Bukod sa VCO, sinimulan na rin ang clinical trial sa lagundi na naunang inaaprubahan ng Food and Drugs Administration (FDA) bilang drug remedy.

Matatandaan na nauna nang nakatanggap ng approval sa ethics board ang Tawa-Tawa at nakatakdang magsimula ang clinical trial sa Philippine General Hospital, Quezon Institute at Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital sa Negros Occidental.

Nabatid na ang Tawa-Tawa ay ginagamit na health supplements para sa mga dengue patients pero sususbuka na rin ito sa COVID-19.

Samantala, nakikipag-ugnayan na ang DOST at Department of Health (DOH) kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na itinalagang Vaccine Czar para linawin kung anong magiging trabaho nila bilang task group.

Patuloy naman ang pagsasagawa nila ng evaluation sa gagamiting bakuna para sa gagawing solidarity trial ng World Health Organization (WHO) pero hindi pa malaman kung kalian ito gagawin.

Facebook Comments