Iginiit ni Committee on Basic Education Chairman Senador Win Gatchalian sa Department of Education at Inter-Agency Task Force na pag-aralan ang mga rekomendasyon ng Centers for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Mungkahi ito ni Gatchalian sa harap na inaasahang nalalapit na pagsisimula ng COVID-19 vaccination program.
Tinukoy ni Gatchalian ang isang artikulo mula sa mga eksperto sa nasabing public health institute sa US na nagrerekomenda na ang muling pagkakaroon ng face-to-face classes ay posible kung mapipigilan ang pagkalat ng virus sa mga komunidad.
Magagawa ito sa pamamagitan ng patuloy na pagpapatupad ng health protocols, katulad ng regular na paghuhugas ng kamay, paggamit ng alcohol, pagsuot ng face mask, at pagpapatupad ng social distancing.
Ayon kay Gatchalian, kung papayagan naman ang mga batang lumabas ng kanilang bahay, ay mas mainam na sa eskwelahan sila magpunta.
Paliwanag ni Gatchalian, malaking maitutulong sa kapakanan ng mga mag-aaral kung magagabayan sila ng personal ng kanilang mga guro sa kanilang aralin at makakasalamuha pa ang kanilang mga kamag-aral.
Para kay Gatchalian, ang pagkakaroon ng ligtas na pagbabalik-eskwela ay tutugon sa mga problema sa distance learning tulad ng mahinang internet connection at kakulangan ng pakikipag-ugnayan sa mga guro.