Posibleng simulan na sa susunod na buwan ang pag-aaral ng Department of Science and Technology (DOST) sa paggamit ng magkaibang brand ng COVID-19 vaccine sa first at second dose ng isang indibidwal.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato de la Peña, sa ngayon kasi ay hinihintay pa nila ang pahintulot ng Food and Drug Administration at Philippine Health Research Ethics Board.
Sakali aniyang matapos na agad ay inaasahang magsimula na ito sa Hunyo kung saan tatagal nang 18 buwan ang pag-aaral na lalahukan ng 1,200 na participants.
Paliwanag ni dela Peña, matagal na panahon ang kailangan upang obserbahan ang magiging epekto nito lalo na’t limang beses din magsasagawa ng antibody test sa lalahok na indibidwal.
Samantala, kapag naging maganda naman aniya ang resulta ay makakatulong ito para masigurong makukumpleto ang dalawang dose ng bakuna sa gitna ng limitadong supply nito sa bansa.