Pag-aaral sa tahanan, dapat gawing ‘New Normal’ ayon kay Senator Gatchalian

Learning from home o pag-aaral sa tahanan ang nakikita ni Senador Win Gatchalian na pinakamabisa at pinakaligtas na paraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mahigit dalawampu’t pitong milyong mga mag-aaral sa buong bansa.

Layunin ng mungkahi ni Gatchalian, bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, na maproteksyunan ang mga mag-aaral laban sa COVID-19.

Giit ni Gatchalian, kapag nagbukas na ang klase sa buwan ng Agosto, ay kailangang panatilihin ang social distancing kaya hindi dapat lumagpas sa 20 ang mag-aaral sa loob ng isang silid-aralan.


Ipinaliwanag ni Gatchalian, na maaaring hindi na pumasok araw-araw ang mga estudyante upang maiwasan ang lalong pagkalat ng virus kaya sa kanilang mga tahanan pwedeng ituloy ang pag-aaral.

Ayon kay Gatchalian, ang sabay-sabay na pag-gamit sa digital, low-tech, at no-tech na pamamaraan ng pagtuturo ay makatutulong upang maturuan ang lahat ng mga mag-aaral sa bansa, lalo na ang mga nasa malalayong lugar at walang internet.

Sabi ni Gatchalian, dahil hindi lahat ng mga mag-aaral ay kayang mag-online, ay malaki ang magiging papel ng radyo at telebisyon upang maabot ang mas maraming mga mag-aaral.

Facebook Comments