Pag-aasawa, layuning proteksyunan ng Divorce Bill ni Senator Padilla

Proteksyon at hindi pagsalungat sa pag-aasawa ang layunin ng panukalang batas ni Senator Robin Padilla para sa divorce o ang pagsasawalang bisa ng kasal.

Iginiit ni Padilla na bagama’t hindi siya kontra sa “forever” na kasal, ay totoong may mga kasal na nasira na dahil sa problemang hindi na malulunasan pa.

Binanggit din ni Padilla, na ang Pilipinas na lang ang bansa sa buong mundo maliban sa Vatican City na walang divorce gayong base sa survey ng Social Weather Stations noong 2017, 53% ng Pilipino ang pabor sa divorce para sa hindi magkakaayos na mag-asawa.


Base sa panukala, pwedeng batayan ng diborsyo ang kawalan ng kapasidad ng sinuman sa mag-asawa na gampanan ang mahahalagang obligasyon sa kasal at kung sila ay may hindi mapagkakasunduang pagkakaiba.

Kasama ring batayan kung napawalang bisa na ang kasal sa ibang bansa o ang isa sa mag-asawa ay ipinapalagay ng namatay.

Pwede na ring ipawalang bisa ang kasal kung may paglabag sa Anti-Violence Against Women and Their Children Act o nagkakaroon na ng karahasan at pag-abuso at may pagtatangka sa buhay ng kanilang anak.

Batayan din ng diborsyo ang pagkakaroon ng anak sa iba ng sinuman sa mag-asawa sa panahong sila ay kasal na.

Facebook Comments