Manila, Philippines – Binatikos ni Senator Antonio Trillanes IV ang ginawang pag-abswelto ng Department of Justice (DOJ) kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Ito ay sa kaso ng paglusot sa Bureau of Customs (BOC) ng 6.4 billion pesos na halaga ng shabu mula sa China.
Diin ni Trillanes, kapag mahihirap ang sangkot sa kasong may kinalaman sa iligal na droga ay pinapatay agad, pero naaabswelto kapag alagad ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihalimbawa ni Trillanes si Supt. Marvin Marcos na nananatili sa serbisyo kahit sangkot sa pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Tanong ngayon ni Trillanes, mga security guards na lang ba ng BOC ang sangkot sa drug smuggling?
Para kay Trillanes, malinaw na pinagloloko lang ni Pangulong Duterte ang taumbayan.
Senator trillanes:
“Kapag mga mahihirap, patay agad. Pero kapag alagad ni Duterte, abswelto sa kaso. Gaya lang yan ni Supt. Marcos. Ang tanong ngayon, sino na ang responsable sa pagpasok ng 6.4 bilyong pisong halaga ng shabu, ung security guard ng Customs? Mr. Duterte, pinagloloko mo ung mga tao.”