Nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa lahat ng mga Pilipino ngayong ika-125 Araw ng Kalayaan na alalahanin ang naging mga sakripisyo ng ating ninuno.
Ayon kay Hontiveros, ang mga laban tulad ng pananakop ng mga dayuhan sa ating teritoryo, pang-aabuso ng pamahalaan, mga karahasan, kawalan ng oportunidad at ang malaking agwat ng mga mayayaman at mahihirap ay laban pa rin hanggang ngayon.
Aniya pa, tuloy pa rin ang laban ng mga Pilipino sa problema sa kahirapan, mga mapang-abusong dayuhan at maging ang kasakiman ng ilan sa atin.
Ikinalulungkot din ng senadora ang mga patuloy pa ring problema sa katiwalian, lumalawak na hindi pagkakapantay-pantay, rebisyon sa kasaysayan at pagkalat ng mga maling impormasyon na aniya’y humahadlang sa pag-unlad ng isang bansa.
Sa kabila ng patuloy na problema, umapela si Hontiveros sa mga kababayan na patuloy na alalahanin na walang dapat na maiwan sa gitna pa rin ng pakikibaka ng bansa.
Aminado ang senadora na napakahirap ipaglaban ang kalayaan at demokrasya, ngunit dahil sa ginawa ng ating mga ninuno ay binigyan tayo ng kakayahang maging malikhain, matatag, buo ang loob at ang makipagbayanihan.
Dagdag pa ni Hontiveros na tulad ng ating mga bayani ay magsilbing inspirasyon ito para patuloy na pagtibayin ang ating nakaraan para sa kinabukasan anuman ang pagkakaiba-iba ng mga Pilipino.