Pag-aligid ng mga barko ng China sa Kota Island, itinuturing na pag-atake sa soberenya ng Pilipinas

Maghahain ng protesta ang Pilipinas laban sa China dahil presensya sa mga Chinese Militia sa Kota Island.

Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap ng balitang may umaaligid na 15 Chinese vessel sa Kota Island na isa sa pinakamalalaking isla sa Spratlys.

Itinanggi ni AFP Spokesman Colonel Edgardo Arevalo ang ulat.


Pero sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo – oras na maberipika ng Department of Foreign Affairs (DFA) na totoo ang presensya ng mga barko sa lugar, agad itong magsasampa ng diplomatic protest laban sa China.

Dapat na rin aniyang umalis ang mga Chinese vessel sa Kota Island at kung magmatigas at ituturing itong pag-atake sa soberenya ng bansa.

Samantala, tungkol naman sa pangako noon ni Pangulong Duterte na magje-jetski siya patungong Spratlys para maglagay ng watawat ng Pilipinas. Sabi ni Panelo, drama lang ito ng Pangulo.

Aniya, mas mahalaga ang paghahain ng protesta laban sa China kaysa sa anumang gimik na may kaugnayan sa pulitika.

Dinedma rin ng Palasyo ang pagpapakuha ng litrato ng ilang kandidato ng Otso Diretso sa karagatang sakop ng Masinloc, Zambales na ayon kay Panelo ay bahagi lang ng pamumulitika.

Facebook Comments