
Ipinauubaya na ni Senator Sherwin Gatchalian sa Department of Health (DOH) ang pag-alis sa pagiisyu ng guarantee letter (GL) bilang requirement sa mga humihingi ng medical assistance.
Paliwanag ni Gatchalian, bahagi ng proseso ng medical assistance ng DOH ang pagiisyu ng guarantee letter at ang ahensya na mismo ang magaalis nito kung nais man nilang tanggalin.
Hindi naman aniya kailangan na nasa 2026 budget ito o kailangan pa ng batas dahil wala namang batas na lumilikha ng GL at ito ay nasa guidelines lang ng DOH.
Sa kabila naman na kasama sa anti-epal provision ng 2026 budget ang pagbabawal sa mga politiko na makialam sa GL, maaari pa ring mag-refer ang mga mambabatas ng medical assistance sa DOH.
Sinabi ni Gatchalian na sa kanyang kaso ay linggo-linggo, mayroong lumalapit sa kanya para humingi ng medical assistance at ang kanya lamang ginagawa ay ini-re-refer sila sa DOH.










