Pag-alma ng byuda ni Negros Oriental Governor Roel Degamo na si Mayor Janice Degamo sa pagdalo ni Suspended Cong. Arnie Teves sa pagdinig ng senado “virtually”, pagaaralan ng komite ni Sen. Dela Rosa

Idudulog ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa sa mga miyembro ng kanyang komite ang hinaing ni Mayor Janice Degamo, asawa ng napaslang na Negros Oriental Governor Roel Degamo, tungkol sa nakatakdang pagdalo ni suspended Congressman Arnulfo ‘Arnie’ Teves Jr., sa gagawin nilang senate inquiry sa Lunes.

Sa liham na pinadala ni Mayor Janice kay Dela Rosa, ipinaabot nito ang kanyang pagkadismaya na pinayagan ng Senado na dumalo si Teves sa pagdinig sa pamamagitan ng video conferencing.

Sa naturang liham, sinabi ni Mayor Janice na isang pugante si Teves kaya hindi dapat bigyan ng ganitong accommodation ng mataas na kapulungan.


Iginiit ng Alkalde na hindi patas ang pagpayag na dumalo si Teves ‘virtually’ para sa mga personal na dadalo sa pagdinig.

Dapat aniya ay patas ang pagturing sa lahat ng resource person sa gagawing imbestigasyon.

Dahil dito, nanawagan ang biyuda ni Governor Degamo na ikunsidera ng senate committee ang kanilang desisyon na ‘virtually’ lang padaluhin sa imbestigasyon si Teves.

Facebook Comments