Ikinatuwa ng Department of Tourism (DOT) ang pasya ng Inter-Agency Task Force (IATF) na amiyendahan na ang health protocols para sa mga bakunadong Pilipino at dayuhang papasok sa bansa
Ito ay makaraang tanggalin na ng pamahalaan ang COVID-19 pre-departure test para sa mga fully vaccinated na mga pasaherong tutungo sa bansa simula ika-30 ng Mayo.
Ayon kay Tourism Sec. Benadette Romulo – Puyat, tiyak na makatutulong ito sa pagsigla ng turismo na siyang kailangan ngayong bumabangon ang bansa mula sa matinding epektong dulot ng COVID-19 pandemic.
Bagaman hindi na rin required ang pagkuha ng travel insurance, binigyang-diin ni Sec. Puyat na mas mainam kung kumuha pa rin nito para sa kaligtasan ng mga pasahero.
Batay sa pinakahuling datos ng DOT, pumapalo na sa 517,516 na mga dayuhang turista ang dumating sa bansa mula ika-10 ng Pebrero hanggang ika-25 Mayo ng kasalukuyang taon.