Mamadaliin ng Senado ang pag-amyenda sa ASIN Law o An Act for Salt Iodization Nationwide.
Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas, iniuutos na sa lahat ng asin na ipinoproduce sa bansa ay gawing iodized salt para tugunan ang iodine deficiency sa bansa.
Ipinunto ni Senator Cynthia Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food, na ang batas para sa salt iodization ang pumatay sa kabuhayan ng mga salt farmers dahil sa kawalan ng kakayahan at mga kagamitan para gawing iodized salt ang asin.
Dahil tumigil sa paggawa ng asin ang marami sa mga ito, nag-iimport ngayon ang bansa ng raw salt at dito na lamang sa bansa ginagawa itong iodized.
Iginiit ng senador na hindi kailangan ng bansa na gawing iodized ang lahat ng asin dahil 1/3 lang ng suplay nito ang kailangan para sa human consumption habang 2/3 naman sa industriya ng pagniniyog kung saan asin naman ang gamit para sa pataba, gayundin sa paggawa ng animal feeds at mga kagamitang panglinis.
Sa gagawing amyenda sa batas, irerekomenda ng Senado na alisin ang probisyon na nag-oobliga sa iodization ng lahat ng asin at tutukuyin na lamang kung ilang porsyento ng salt production ang gagawing iodized salt na ibabatay naman sa populasyon na may iodine deficiency.
Idagdag din sa batas na Department of Agriculture (DA) na ang mag-iisyu ng permit para sa importasyon ng asin na ibabase sa datos ng supply at demand ng asin sa bansa.