Pag-amyenda sa economic provisions, malaki ang maitutulong ngayong pandemya

Iginiit ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Mike Aglipay na malaki ang maitutulong ng Charter Change para sa pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.

Kasunod na rin ito ng planong pagdinig ng Kamara sa Cha-Cha sa susunod na linggo kung saan sesentro lamang ang talakayan sa pag-amyenda ng economic provisions.

Paliwanag ni Aglipay, ang pagtutulak ng Cha-Cha sa kabila ng COVID-19 pandemic ay makakatulong para mabuksan ang ekonomiya sa direktang pamumuhunan ng mga dayuhan.


Sa ganito aniyang paraan ay mabibigyan ng economic relief ang bansa mula sa mga epekto ng pandemya.

Tiniyak din ng kongresista na tanging economic provisions lamang ng Saligang Batas ang gustong amyendahan ng liderato ng Kamara at planong isabay ang plebesito rito sa gaganaping 2022 elections.

Wala rin aniyang dapat ipag-alala ang publiko na baka isingit ang political provisions sa Cha-Cha dahil bukas sa publiko ang gagawing pagdinig kung saan maaari itong mapanood sa livestreaming ng Facebook page at YouTube channel ng Mababang Kapulungan.

Facebook Comments