Pag-amyenda sa political provisions ng Saligang Batas, hindi pa napapanahon ayon kay Pangulong Marcos

 

Hindi pa napapanahon ang pag-amyenda sa political provisions ng Saligang Batas, tulad na lamang ng pagpapalawig ng termino ng mga nanunungkulang politiko.

Ito ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa gitna pa rin ng paglikom ng pirma ng mga botante para sa People’s Initiative o ang kampaniya na layong baguhin ang Konstitusyon.

Ayon kay Pangulong Marcos, sa ngayon tanging ang pag-amyenda sa economic provisions ng Konstitusyon ang dapat na tutukan.


Hindi raw nais ng pangulo na malagay sa panganib ang tagumpay ng pag-amyenda sa economic provisions dahil sa iba pang mga isyu.

Kailangan pa rin aniyang mag-adjust ng pamahalaan, upang maka-attract pa ng foreign investors at mapataas ang economic activity sa bansa.

Sa kabila nito, mayroon pa ring mga linya na hindi dapat payagan na ma-impluwensyahan ng mga dayuhan o foreign entity.

Halimbawa na rito ang 100% foreign ownership sa lupa, power generation, media at iba pang strategic areas.

Samantala, nilinaw naman ni PBBM na hindi siya sarado sa pag-amyenda sa political provisions ng Saligang Batas.

Facebook Comments