Kasama sa ipaprayoridad ng Senado ang pagtalakay sa panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL).
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, sinabi sa kanya ni Committee Agriculture and Food Chairperson Cynthia Villar na may napagkasunduan na sila ni Pangulong Bongbong Marcos na magiging bersyon ng Senado at ito ang tatalakayin oras na magbalik sesyon sa Hulyo.
Sa ngayon aniya na naka-recess o naka-break ang sesyon ay tatapusin muna nila ang lahat ng committee hearings patungkol sa pagamyenda sa RTL at sa pagbabalik-sesyon naman nila tatalakayin ang panukala sa plenaryo.
Pinayuhan ni Escudero ang mga kapwa mambabatas partikular sa Kamara na matuto sa nakaraang leksyon ng matinding korapsyon sa National Food Authority (NFA) at lagyan ng safeguards at checks and balance ang panukalang amyenda sa RTL.
Tulad kasi ng ibang senador ay nangangamba rin si Escudero sa isinusulong na muling pagbibigay ng poder sa NFA sa pagbili at pagbenta ng bigas sa bansa at mas nais din niyang Department of Agriculture (DA) na lamang ang manguna rito.