Kinuwestyon ng Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist ang ginagawang pag-aangkat ng galunggong ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Nicanor Briones ng AGAP Partylist, hindi naman kapos ang bansa sa isda kaya’t bakit kinakailangan mag-angkat pa ang DA.
Aniya, may sapat na supply ng lokal na isda at mga produkto ng isda ang bansa kahit pa sinalanta ng Bagyong Odette ang Visayas at Mindanao nitong nakaraang Disyembre.
Sinabi pa ni Briones, na nasira lamang ang mga bangka ng mga mangingisda pero hindi naman nawala ang mga isda sa karagatan kahit pa dumaan ang bagyong Odette.
Iginiit pa ng grupo na nagkukunwari ang DA na kapos ang supply ng isda sa bansa para mabigyang katwiran ang importasyon ng 60,000 metric tons na isda.
Aniya, papatayin lang ng importasyon ang kabuhayan ng mga lokal na mangingisda kung saan hiniling ni Briones na itigil ang malawakang importasyon at dapat na panagutin ang mga opisyal na nagpatupad nito.