Kinuwestyon ni presidential aspirant Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pagpayag ng Bureau of Plant Industry (BPI) sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) na mag-import ng strawberries mula Korea.
Sinabi ito ni Lacson sa pagdinig ukol sa smuggling ng Senate Committee of the Whole na pinamumunuan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Ayon kay Lacson, ito ay unti-unting papatay sa lokal na industriya at sa kabuhayan ng ating mga magsasaka ng strawberries at carrots.
Binanggit ni Lacson na umaabot sa ₱1,500 kada kilo ang Korean strawberries habang ang mga galing sa La Trinidad ay ₱200 kada kilo lamang.
Mas makikita rin sa high-end na retail outlets ang strawberries galing Korea kaysa sa mga nanggaling sa La Trinidad.
Para kay Lacson, isang insulto pa para sa mga magsasaka sa La Trinidad ang naturang importasyon lalo na’t peak season ngayon ng mga strawberry.
Hindi tanggap ni Lacson ang argumento ng BPI na kaya nila pinayagan ang importasyon ng Korean strawberries dahil iba ang target market nito kumpara sa mga strawberries na galing La Trinidad.
Sa hearing ay ipinarating din ni Lacson ang mga hinaing ng mga magsasaka sa La Trinidad kung saan maaari anilang makapasok ang mga peste at ibang sakit sa pananim dahil sa pagdating ng mga strawberries mula sa Korea na hindi dumadaan sa inspeksyon.