Nagdadalamhati ngayon si Bayan Muna Partylist Rep. Eufemia Cullamat matapos na masawi ang anak sa nangyaring engkwentro sa pagitan ng mga militar at rebeldeng komunista sa Surigao del Sur.
Sa isang pahayag, tinawag ni Ka Femia si Jevilyn Cullamat na bayani ng mga Lumad.
Depensa ng kongresista, ang desisyon ng kanyang bunso na lumahok sa armadong pakikibaka ay bunga ng pang-aabusong dinanas nilang mga Lumad at ang matinding kahirapan na nasaksihan nito.
Bagamat bilang isang ina ay nag-aalala siya sa anak, nanaig pa rin ang respeto niya sa desisyon ng anak lalo’t pinalaki niya itong makabayan, matapang, at may sariling pag-iisip at paninindigan.
Kaya naman giit ng kongresista, anuman ang sabihin ng mga tao ay ipinagmamalaki niya si Jevilyn.
Mensahe naman nito sa militar, huwag gawing tropeyo ang labi ng kanyang anak at hayaang magluksa ang kanilang pamilya.