Pag-apruba sa dagdag na social pension bill, pinaaapura ng Kamara sa Senado

Pinamamadali ni Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate sa Senado ang pagpapatibay sa dagdag na social pension bill.

Sa Kamara ay inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 9459 at ang bersyon nito sa Mataas na Kapulungan ay nakabinbin pa rin sa komite.

Nagpahayag ng suporta ang Bayan Muna na ganap na maisabatas ang panukala sa gitna na rin ng paggunita ng “Elderly Filipino Week”.


Mula sa ₱500 na social pension kada buwan ng mga matatanda ay naitaas ito sa ₱1,000 ngunit inilalaban ng grupo na maalis ang qualifications na nakapaloob dito at maibigay ito sa lahat ng mga indigent na lolo at lola.

Isinusulong din nila Zarate na maitaas sa ₱2,000 kada buwan o madagdagan pa ang natatanggap na social pension ng ₱1,000.

Umaapela si Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte na punan ang pangako nitong dagdag na SSS pension lalo pa’t ang mga matatanda ay kabilang sa mga apektado at nahihirapan sa gitna ng pandemya.

Facebook Comments