Alert levels sa LGUs, maaaring gawing basehan sa pagbubukas ng mga paaralan

Ipinapanukala ni Committee on Basic Education Chairman Senador Win Gatchalian ang paggamit sa mga alert levels sa mga Local Government Unit (LGU) bilang posibleng basehan ng pagbubukas ng mga paaralan.

Ayon kay Gatchalian, ang pagsangguni sa mga alert level sa pagbubukas ng mga paaralan ay maaaring isagawa pagkatapos ipatupad ang pilot testing ng limited face-to-face classes.

Paliwanag ni Gatchalian, kung ang mga negosyo at mga industriya ay maaari nang magbukas depende sa mga alert level, dapat gawin din itong basehan sa pagbubukas ng mga paaralan.


Sabi ni Gatchalian, ang mga alert level ay nagbibigay ng mabusising gabay sa ating pagbabalik-normal kasama na ang sektor ng edukasyon.

Sa pagdinig ng Senado ay ipinaliwanag ni Health Undersecretary Dr. Maria Rosario Vergeire na posibleng maging basehan ang mga alert level sa pagbubukas ng mga paaralan.

Ngunit paglilinaw ni Vergeire, ang alert level ay isang hakbang lamang dahil kailangan pa ring makapasa sa assessment ng Department of Health ang mga paaralang lalahok sa face-to-face classes.

Dagdag pa ni Vergeire, dapat din ay may pahintulot ng LGUs ang mga paaralang nais mapasama sa face-to-face classes.

Facebook Comments