Pinanindign ni Committee on Public Services Chairperson Senator Grace Poe ang pasya na huwag agad aprubahan ang hiling na panibagong 25-taong prangkisa ng Dito Telecommunity.
Sa desisyon ni Poe ay kailangan munan tuparin ng Dito hanggang January 2021 ang pangako nitong internet speed na 27 megabits per second (mbps).
Tinukoy rin ni Poe ang pangako ng Dito na pag-abot ng serbisyo nito sa 37 percent o 7,425 na mga barangay sa unang taon ng operasyon nito.
Ipinunto pa ni Poe na hanggang 2023 pa naman ang hawak na prangkisa ng Dito.
Pero ayon kay Dito Telecom Chief Administrative Officer Atty. Adel Tamano, mahihirapan silang matupad ang pangakong full rollout sa March 2021 kapag hindi naaprubahan ang kanilang prangkisa bago ang nasabing petsa.
Nauunawaan naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang punto ni Tamano dahil maaring nakadepende sa prankisa nito ang kapalaran ng mga inuutang ng Dito para sa full operation sa susunod na taon.
Buo naman ang suporta ni Senator Risa Hontiveros sa desisyon ni Senator Poe dahil kailangang mabusising mabuti ang Dito Telecom kung saan may 40 percent na sosyo ang China.