Nagtipon-tipon ang iba’t-ibang transport cooperative, car manufacturers and dealers, GPS providers at mga government financial institutions sa naturang inisyatibo ng LTFRB para maipaliwanag ang mangyayaring PUV Modernization at ng matulungan ang mga transport group at operators sa pagbabago ng kanilang lumang sasakyan sa modern transportation.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Victor Dollentas, Planning Officer 3 ng LTFRB Region 2, sa pamamagitan aniya ng isinagawang Modern PUV Mini Caravan ay malalaman ng LTFRB kung ano ang mga problema o hinaing ng bawat kasali o maapektuhan ng PUV modernization at kung paano sila matutulungan ng mga katuwang na financial institution para sa planong modernisasyon ng pampublikong sasakyan.
Matutulungan ring mapabilis ang pag-usad ng modernisasyon ng mga Public Utility Vehicle sa rehiyon lalo na at mapapaso na ang prangkisa ng ilang PUV Operators sa katapusan ng Marso.
Samantala, inihayag naman ni Mr. Jerome Lobrin, General manager ng Autokid Subic Trading Corporation, isa sa mga accredited car manufacturers and producers sa Region 2, kahit handa aniyang tumulong sa mga kooperatiba ang kanilang kumpanya ay problema pa rin ng mga ito ang kanilang pag-aapply sa mga bangko dahil sa delay ng kanilang Local Public Transport Route Plan o LPTRP na ibinibigay ng Department of Transportation na isang requirement na hinihingi ng bangko para maaprubahan ang loan ng mga transport cooperative.
Gayunman, nakahanda pa rin ang kanilang kompanya at sapat naman ang kanilang unit para supplayan ang mga transport cooperative sa Region 2 na gustong mag-avail ng kanilang mga modern transportation.