Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na hindi panggigipit sa freedom of the press and of expression ang ginawang pagaresto kay Rappler President Maria Ressa dahil sa kasong paglabag sa anti-dummy law.
Matatandaang kaninang umaga ay inaresto sa Ninoy Aquino International Airport si Ressa at idiniresto sa korte sa pasig kung saan doon ito nagpiyansa.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, siguradong dumaan sa tamang proseso ang pagaresto kay Ressa.
Paliwanag ni Panelo, maglalabas lamang ang korte ng warrant of arrest kung mayroon silang nakitang probable cause at ang naging paraan naman ng pagaresto kay Ressa pareho din kung paano inaaresto ang ibang personalidad.
Sinabi ni Panelo na malinaw naman na ang gusto lang ni Ressa ay iba o espesyal ang gawing pagtrato sa kanya pero binigyang diin ni Panelo na hindi ito maaari dahil sa mata batas ay pantay-pantay ang lahat.
Hinamon nalang ni Panelo si Ressa na ipagtanggol nalang ang kanyang sarili sa korte at tigilan na ang pagtatago sa likod ng press freedom at freedom of expression dahil wala namang kinalaman dito ang kasong kanyang kinakaharap.