Pag-aresto ng ICC kay FPRRD, iimbestigahan ng Senado

Ipasisiyasat ni Senator Imee Marcos ang ginawang pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) Interpol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Sen. Marcos, kilalang kaibigan ng mga Duterte, bilang Chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, agad niyang ipagsasagawa ng imbestigasyon ang pagdakip kay dating Pangulong Duterte.

Itinakda sa March 20, Huwebes, ang imbestigasyon sa nasabing isyu na itinuturo namang naging sanhi ng pagkahati ng bansa ngayon.


Mahalaga aniyang makita kung nasunod ang due process sa pag-aresto sa dating Pangulo at tiyakin na hindi lang itinaguyod kundi naprotektahan din ang mga legal na karapatan ni Duterte.

Iginiit pa ng senadora na kailangang masagot ang isyung ito para maitaguyod ang hurisdiksyon ng bansa at linawin ang mga polisiya na sumasaklaw sa ating mga law enforcement agencies at ang kanilang ugnayan sa mga international tribunals.

Ipatatawag ni Marcos sa pagdinig ang mga opisyal mula sa Philippine National Police (PNP), Office for Transportation and Security (OTS) ng Department of Transportation (DOTr), National Security Council (NSC), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at iba pang resource persons at witnesses.

Facebook Comments