Pag-aresto sa mga dumalo sa LGBT+ Pride March sa Mendiola, kinondena ng CHR; tinaguriang Pride 20, posibleng i-inquest ngayong araw

Mariing kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pag-aresto sa 20 nakilahok sa Pride March sa Mendiola, nitong Biyernes ng umaga.

Sa statement, sinabi ng CHR na nagpadala na sila ng Quick Response Team para imbestigahan ito.

Sinabi ng komisyon na ang kasaysayan ng Pride ay kasaysayan ng protesta at hindi dapat ito nahihiwalay sa iba pang mga isyung kinakaharap ng lipunan gaya ng pagkontra sa Anti-Terrorism Act at kahirapan dulot ng public health crisis.


Umapela ang CHR Gender Equality and Women’s Human Rights Center na palayain na ang mga inaresto, sa ngalan ng malayang pamamahayag.

Samantala, posibleng ma-inquest na ngayong araw ang mga inaresto sa Mendiola na nakakulong sa Manila Police District (MPD).

Ayon kay MPD Public Information Chief Police Lieutenant Colonel Carlo Magno Manuel, sasampahan sila ng mga kasong illegal assembly, resistance and disobedience to a person in authority at paglabag sa Republic Act 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Facebook Comments