Manila, Philippines – Nilinaw ngayon ng Palasyo ng Malacañang na hindi literal na tutuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang sinabi na ipakukulong ang sinumang maghahain ng impeachment complaint laban sa kanya.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa kaliwat-kanang batikos na natanggap ng Pangulo matapos itong sabihin kung saan ay sinasabi ng mga kritiko na nananakot si Pangulong Duterte sa sinumang papalag sa kanyang mga ginawa.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, hindi naman talaga krimen ang paghahain ng impeachment complaint at ang sinabi ni Pangulong Duterte ukol dito ay resulta lamang ng pagkainis sa mga kritiko na hindi naiintindihan ang posisyon ng Pangulo sa issue sa China.
Matatandaan na sinabi ni Philippine National Police Chief Police General Oscar Albayalde na kung ipag-uutos ni Pangulong Duterte na ipaaresto ang sinumang magsampa ng impeachment complaint laban sa kanya ay handa nila itong arestuhin.
Pero sinabi ni Panelo na alam namang ng mga pulis ang batas at kung ano ang dapat nilang sundin.