Cauayan City, Isabela- Iginiit ng grupo ng ‘Karapatan Cagayan Valley’ na pawang mga ordinaryong magsasaka at hindi miyembro ng New People’s Army (NPA) ang tatlong (3) kalalakihan na inaresto ng mga awtoridad nitong Sabado, Enero 23 sa kanilang tahanan sa Barangay Villaflor, Cauayan City, Isabela.
Sa social media post ng grupong KCV, tila isang SEMPO o Synchronized Enhanced Military and Police Operation ang ginawang operasyon ng mga ito sa bahay ng mga suspek.
Pasado alas-6:00 ng gabi ng Sabado, nabulabog di umano ang naturang barangay matapos ang halos 50 miyembro ng mga awtoridad ang natungo sa lugar at kaagad na pumasok sa bahay ng tatlong magsasaka.
Paliwanag pa ng grupo, ‘planted’ umano ang ebidensya laban sa mga suspek na mga baril, granada at mga epektos.
Inihayag rin ng grupo na walang nangyaring koordinasyon sa local police station sa lungsod kung kaya’t agad na naisagawa ang operasyon.
Una nang inaresto ang itinuturing NPA Supporter na kinilalang sina Herminio Ramos alyas “Minio”, 52 taong gulang, may-asawa at Virgilio Dela Cruz alyas “JR”, 44 taong gulang, may-asawa at pawang mga residente ng Brgy. Villaflor sa Lungsod ng Cauayan.
Dinakip rin sa mismong bahay nito si Jerry Ramos alyas “Bobot”, 48 taong gulang, may-asawa, isang PSRTG na nakatalaga bilang contact person ng KR-CV central front sa ilalim ng Platoon Gani na kung saan ay nasamsam sa kanyang bahay ang isang (1) piraso ng hand grenade, dalawang (2) piraso ng CRG RG case na may dalawang live RG, dalawang (2) improvised explosive device; tatlong (3) detonating cord, isang (1) blasting cap at mga subersibong dokumento.
Nasamsam naman sa bahay ni alyas Minio ang tatlong (3) piraso ng rifle grenade; dalawang (2) piraso ng mk2 hand grenade habang nakuha naman sa tahanan ni alyas ‘JR’ ang isang (1) unit ng Cal. 45 pistol, isang (1) stainless magazine; apat (4) na bala ng Cal. 45, isang (1) itim na holster, isang (1) violet na bag pack at mga subersibong dokumento.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 at RA 9516 ang mga suspek na nasa kustodiya ngayon ng pulisya.