Pag-asa, tiwala sa gobyerno magbabalik sa pamumuno ni Ping

Binigyang-lakas ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson ang mga Pilipino na nawawalan na ng pag-asang magkakaroon pa ng pagbabago sa gobyerno dahil sa paniniwala na pareho-pareho namang tiwali ang mga tumatakbong kandidato.

“Talagang kailangan bumalik ‘yung pag-iisip na may pag-asa pa tayo. Kasi ‘yan ang sa tingin ko sa maraming kababayan natin parang surrender na e. Para bang, oo, maski sino pa maupo diyan pare-pareho na,” sabi ni Lacson sa panayama ng DZXL radio, Biyernes ng umaga.

Ito ang naobserbahan ng presidential candidate ng Partido Reporma at kanyang running mate na si vice presidential bet Senate President Vicente “Tito” Sotto, sa kanilang pag-iikot sa mga probinsya para konsultahin ang iba’t ibang sektor sa mga nakalipas na buwan.


“‘Yung mga Pilipino sa tagal ng panahon, alam mo, parang naging dreamless na, naging hopeless, naging helpless… Nakikita na natin ‘yung mga pulitikong mga nagmamalabis ay parang ‘sige na lang kasi pare-pareho naman ‘yan’,” ayon kay Lacson.

Ang ‘dedma mindset’ ng mga Pilipino sa mga katiwaliang kinasangkutan ng ilang pulitiko ang nais baguhin ni Lacson kung siya ang mahahahal na susunod na pangulo sa May 2022 elections.

“‘Pag ganoon ang naging attitude, Buddy, talagang wala. Wala tayong pag-asa as a country,” sabi pa ni Lacson sa radio host na si Buddy Oberas.

Ayon pa sa batikang mambabatas at dating hepe ng Philippine National Police na kilalang mahigpit na tagapagbantay ng pambansang badyet at nag-alis sa mga kotong cop, naniniwala siyang mapapabuti ang buhay ng mga Pilipino at maibabalik ang tiwala at suporta sa gobyerno kung mismong ang mga namumuno ang magiging ehemplo para sa magandang pagbabago.

“Tulad ng sinabi ko, ang number one problem ng bansa natin gobyerno; ang solusyon gobyerno rin. So, ‘pag hindi natin naayos ang gobyerno, hindi natin masosolusyunan ‘yung mga problema ng bansa,” aniya.

Mensahe ni Lacson sa ating mga kababayan, “Maging discerning na lang tayo at tingnan na lang natin kung sino ‘yung karapat-dapat na iboto, hindi ‘yung sa tingin natin malamang na mananalo. Wala akong tinutukoy kung sino pero, nasa kamay nating lahat . Isang araw lang naman tayong hari—‘yung mga botante—samantalahin na natin ‘yung pagiging hari natin sa araw na ‘yon, pag-isipin na lang nating mabuti. Basta isipin natin, huwag ‘yung kung ano-anong interes.”

Isinusulong na mithiin ng tambalang Lacson at Sotto ang kanilang mga slogan na “Aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng bawat Pilipino” at “Uubusin ang magnanakaw.”

Facebook Comments