Sa pagdinig ng Committee on Basic Education, Arts and Culture na pinamumunuan ni Senator Sherwin Gatchalian ay lumutang ang rekomendasyon na huwag munang buksan ang klase sa mga lugar na isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ kung saan marami pa rin ang kaso ng COVID-19.
Nag-aalala si Senator Gatchalian na baka maipit ang distribusyon ng learning materials sa mga estudyante sa mga lugar sa ilalim ng MECQ.
Hinikayat naman ni Senator Francis Tolentino ang Department of Education (DepEd) na gamitin ang bagong pasang Republic Act 11480 para mai-atras ang school opening sa August 24 para matiyak ang proteksyon ng mga mag-aaral laban sa COVID-19.
Ipinaalala rin ni Tolentino na mayroon na lamang 168 hours ang DepEd para gawin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng naturang batas.
Maging si Union of Local Authorities of the Philippines o ULAP President Governor Dakila Carlo Cua ay nagmungkahi rin na huwag munang buksan ang klase ngayong Agosto.
Pero giit ng DepEd, walang dapat ipangamba dahil kanilang isinasaalang-alang ang kaligtasan ng mga guro, mag-aaral at mga magulang.
Paliwanag ni DepEd Undersecretary Tonisito Umali, sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ ay igugugol ang unang dalawang linggo ng pasukan sa psychosocial assessment at orientation ng mga bata kaya may sapat pang panahon para sa pamamahagi ng learning modules.
Ikinatwiran pa ng DepEd na kapag inilipat ang school opening ay mag-a-adjust din ang pagtatapos ng school year na posibleng makaapekto sa preparasyon para sa susunod na eleksyon kung saan ginagamit ang mga silid-aralan.