Pag-ban ng POGO sa Pilipinas, iginiit ng isang kongresista

Nanawagan si House Committee on Appropriations Vice Chairman at Iloilo Rep. Janette Garin sa Senado at sa mga kapwa mambabatas nito na gumawa ng hakbang para ma-ban o maipagbawal na sa Pilipinas ang Philippine Offshore Gaming Operations o POGO.

Giit ito ni Garin kasunod ng mga insidente ng kidnapping, pagdukot at iba pang illegal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga Chinese nationals na may kaugnayan sa POGO.

Diin ni Garin ang ganitong mga insidente ay may matinding epekto sa imahe ng Pilipinas sa international community at siyang dahilan para umiwas ang mga dayuhang negosyante.


Ipinagmamalaki ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang malaking revenue na nakukuha sa POGO na siyang unang dahilan kung bakit hindi ito dapat na ipahinto.

Gayunpaman para kay Garin, hindi sapat ang kita kung kapalit naman ay mga krimen na nakasisisira sa ating bansa.

Sinuportahan ni Garin ang nauna nang pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na pumapabor din sa pagpapahinto ng operasyon ng POGO dahil na rin sa masamang reputasyon na dinudulot nito.

Facebook Comments