Buo ang suporta ni Senate President Tito Sotto III sa plano na gawing mega vaccination site ang bahagi ng Nayong Pilipino kahit may mga komokontra na sayang ang mga puno na dito ay aalisin.
Sa pagkakalam ni SP Sotto, wala namang mga puno na tatamaan sa bahaging tatayuan ng COVID-19 facility.
Sabi ni SP Sotto, sakaling may puno ay may proseso naman para ito ay ilipat sa halip na putulin.
Kumbinsido rin si SP Sotto na mabuti ang intensyon ng negosyanteng si Enrique Razon na siyang mangunguna sa pagtatayo ng pasilidad dahil ilang beses na aniya itong nakatulong sa bansa sa maraming paraan.
Sang-ayon naman si Senate President Pro Tempore Ralph Recto na mahalaga ang mga puno pero kanyang iginiit na mahalaga rin ang itatayong pasilidad dahil milyun-milyong buhay ang maililigtas nito mula sa COVID-19.
Dagdag pa ni Recto, bilyun-bilyong piso ang pondong nakapaloob sa 2021 national budget para gamitin sa pagtatanim ng puno na mas marami pa kumpara sa mga punong maaapektuhan sa pagtatayo ng pasilidad sa Nayong Pilipino.
Pangunahing tinukoy ni Recto ang mahigit P3.1 billion budget sa ilalim ng National Greening Program, gayundin ang P1.5 billion na nakalaan sa Manila Bay Coastal Management Program na siyang pinagkunan ng Manila Bay Sands project.