Isang tagumpay sa sistema ng hustisya sa Pilipinas ang desisyon ng korte na hatulan sina National Democratic Front Consultants Benito at Wilma Tiamzon para sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ito ay may kaugnayan sa pagdukot sa isang sundalo noong 1988.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang guilty verdict laban sa mag-asawang Tiamzon ay patunay na gumagana ang justice system ng bansa.
Matatandaang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na palayain ang mga Tiamzon noong August 2016 bilang kinatawan ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at komunistang grupo sa Oslo, Norway.
Nang ibasura ng Pangulo ang usapang pangkapayapaan, ipinag-utos muli ng korte na arestuhin ang mag-asawang Tiamzon noong August 2018.
Sa ngayon, patuloy na tinutugis ng militar ang mag-asawang Tiamzon.
Samantala, ikinalugod din ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang kinalabasan ng paglilitis.
Bagama’t hindi pa niya nababasa ang desisyon, sinabi ni Guevarra na tagumpay rin ito para sa prosekusyon.