Manila, Philippines – Aapela ang isang grupo ng driver partner ng Grab sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB kasunod ng deactivation ng 5,000 miyembro nito.
Ayon kay Ivan Kloud, pangulo ng Philippine Transport Network Organization, aapela sila sa LTFRB na paabutin ng pitong taon ang accreditation ng mga driver partner ng Grab.
Hihilingin rin aniya nila sa ahensya na huwag ng tanggalin ang mga sasakyan na 2015 o mas matanda pa ang modelo para makabawi sa puhunan ang mga bumili ng mga bagong sasakyan para gawing TNVS.
Pero giit ni LTFRB Chairman Martin Delgra III, na tama lang ang ginawa ng Grab na pag-deactive sa mga driver partner nito.
Nilinaw naman ni Delgra na hindi kasama sa mga dini-active ng Grab ang mga hatchback na mayroong prangkisa pa.
Pero oras na mapaso na ang kanilang prangkisa ay hindi na sila papayagan ng LTFRB.
Nabatid na imbes 8,000 umabot lang sa 5,000 ang dine-active ng Grab na mga driver partner nito matapos makahabol sa pagkuha ng prangkisa sa LTFRB.